vergel de DIOS KO PO: Ano nga ba ang mga karaniwang problema ng mga estudyante sa kasalukuyan?
- Carlo Tipay
- Sep 23, 2018
- 4 min read
Bilang isa ring estudyante lalo na’t senior high student na ko, marami na kong napagdaanang problema, Iisa-isahin ko sa inyo kung ano nga ba ang ito.
1. HIRAP SA PAGTITIPID NG BAON.

Isa rin ba kayo sa mga nagsasabi ng mga katagang “Mag-iipon na talaga ko!” at “Di na ko gagastos simula ngayon.” na nauuwi rin sa gastos? Bilang estudyante, napakahirap magtipid ng baon. Oo may mga estudyante na rich kid na pabor sa mga kaklase dahil sa libre at may mga estudyante na sapat lang ang mga baon nila at isa na ko sa mga ‘yon. Unang una na rito ay yung mga binabayaran natin sa school. Pagpapunta na si treasurer, alam mo na! Meron pa na magpapakolekta si teacher para sa mga gagamitin natin sa exam, photocopy, syempre mas pabor satin ang nagsasagot sa test paper kesa sa bukod na papel pa. May mga insidente pa na may mga babayaran na para extracurricular, lalong lubog ang wallet natin. Tapos syempre di tayo gaganahan sa mga activities sa school kapag gutom tayo. Bibili tayo ng foods at dadating sa point na matutukso tayo sa masasarap na foods na yan kaya mas mapapagastos tayo at boom! ubos! Ang matitira na lang satin ay yung pamasahe papauwi.
2. PAGKAPUYAT.

Eye bag sa kanan, eye bag sa kaliwa. Isa pa sa mga laganap na problema ng mga estudyantengayon ay ang pagkapuyat. Ang lulusog ng mga eye bags natin lalo na kapag papatapos na ang isang grading period. Tambak na tambak tayo sa mga gawain sa mga panahong yan. Pero sa tingin ko kahit di ganyang panahon, puyat pa rin tayo. Simula nung dumating and K-12, nagkagulo na, mas maraming gawain ang paparating pero syempre may mga estudyante na strong na kayang pagsabayin ang school works at games. Minsan ganyan ako lalo na kapag kaya ko naman tapusin bago ang deadline. Pero kapag sobrang dami na talaga, di ko titigilan sila school works hangga’t di ko natatapos kahit umabot pa ko ng madaling araw. Naoobserbahan ko rin yan sa mga kaklase ko. May mga iba nga na hindi na natutulog matapos lang ang mga nakatakdang gawain. At alam ko marami rin sa inyo ang nakakaranas ng ganyan pero syempre estudyante pa rin tayo, fighting pa rin. Ang tip ko lang ay sipagin araw araw, hindi yung malapit na yung deadline tsaka tayo magsisipag.
3. PAMAMAHALA NG ORAS.

Something connected sa pagkapuyat pero bakit nga ba nagiging problema ng mga estudyante ang pagsasayang ng oras? Sa totoo lang isa ako sa mga relate na relate dito. Bakit? Dahil kapag hindi pa dumadating si deadline, di rin ako masyadong kumikilos kahit alam ko na may ipapasa sa ganitong petsa. Alam ko may mga estudyante ring ganyan. May mga estudyante naman na sobrang strong na sa classroom na ginagawa yung mga school works bago mismo ang pasahan. Di ba? Paano kaya nila nakakayanan ‘yon? Pero ang pinaka ugat ng problemang ito ay yung mga bagay na nakakaapekto sa paggamit natin ng oras gaya ng paggamit ng social media na laganap ngayon, paggala at iba pa. Syempre estudyante lang naman tayo, kailangan din natin minsan ang mga yan, paraan yan ng pagbibigay ng oras para sa sarili natin. Pero wag natin sobrahan, yung tama lang. Pero kung tatapusin naman agad natin ang mga school works kahit malayo pa ang deadline, di ba mas maganda iyon dahil mas marami tayong oras na maigugugol para sa sarili natin? Wala pa tayong iniisip na school works.
4. DEPRESYON.

Isa sa mga seryosong problema na laganap ngayon lalo na sa mga estudyante. Bakit nga ba sila nadedepressed? Dahil nga sa dami ng gawain, pumapasok dito ang stress na nauuwi sa depresyon ng isang estudyante. May mga estudyante kasi na magaling sa subject na ‘to, pero mahina sa subject na ‘to. Parang ako, minsan stress ako kapag math at physics na ang pinag uusapan pero di naman ako dumating sa punto na depressed na ko. Tapos sasabayan pa ng problema sa bahay o pamilya, maaari rin itong makaapekto sa isang estudyante. Kaya ang tip ko para hindi niyo maisip ang depresyon, kapag stressed na kayo. Tigil muna sa ginagawa, magrelax muna. Pwede rin naman tayong humingi ng tulong sa kaklase natin kapag nahihirapan tayo makaintindi sa mga pinag-aaralan sa school. Sa bahay o pamilya naman, maging open lang tayo. Sinasabi ko sa inyo, malaking tulong ‘yan.
5. DAMDAMIN.

Ito alam ko mas maraming makakarelate sa part na ‘to. Isa pa sa mga nagiging problema ng mga estudyante sa panahon ngayon ay ang relasyon nila sa ibang mga estudyante. Oo, naranasan ko rin ang mga ito. Laganap na ‘to. May mga estudyante kasi na mas inuuna ito kaysa sa pag aaral na nagiging dahilan ng mas maraming problema. Mas napagtutuunan ng pansin kaya hindi na nakakapagfocus sa pag aaral. Ang maipapayo ko lang ay okay lang naman magkaroon ng crush, yung iba pa nga ay crushes eh. Pero kung alam mo naman na hindi mo pa kaya ay huwag muna. Pero pwede naman basta nakakapag aral ng maayos at sabay kayo grumaduate. Oh di ba? Mas masaya kapag ganun.
Ilan lamang iyan sa mga karaniwang problema ng mga estudyante sa kasalukuyan. Just follow me for more. Ipapaliwanag ko sa abot ng aking makakaya at para magkaroon ng konting kalinawagan ang inyong mga isipan ukol sa mga problemang iyan.
Sabi nga ng iba “PROBLEMA LANG YAN, ESTUDYANTE TAYO!” kaya natin masolusyonan lahat ng ating magiging problema basta manalig lang tayo at magtiwala sa ating sarili.
Comentários